Browse By

Tugon sa Pahayag ni Pangulong Noynoy Aquino hinggil sa budget ng State Universities and Colleges

Kahapon po ay naglabas ng pahayag ang Pangulo bilang tugon sa mga protesta laban sa pagkaltas ng pondo para sa state universities at colleges (SUCs). Bilang tugon po, narito ang katotohanan at aming paninindigan.

Ibinungad sa pahayag ng pangulo ang kanyang pagtataka. May mga nagsasabi na kinaltasan daw ang pondo ng SUCs gayong ayon sa kanya, hindi ito totoo.

Nagtataka din po kami. Dahil sa budget message ng Pangulo, aniya:

We allocated P23.4 billion to 112 State Universities and Colleges (SUCs) in 2011. This is 1.7 percent lower than the P23.8 billion budget for 2010.

Ano po ang katotohanan sa paninidigan ng Pangulo? Hindi naman po siguro binabaliktad ng Pangulo ang kanyang sarili?

Maganda po ang pakikipagtalakayan. Ngunit mahirap pong maitaas ang diskurso kung nababaliko ang impormasyon. Batid po namin na alam ng Pangulo na walang lugar sa debate ang pagsisinungaling.

Hinihikayat po namin ang Pangulo na balikan niya ang ipinasang badyet sa Kongreso. Nasa General Appropriations Act po ang mungkahi ng Pangulo na 97 sa 112 na mga SUC ang kaltasan ng MOOE o operations budget. P1.1 billion po ang kabuuang tatagpasin sa operations budget ng mga paaralan. Marami, higit 50% ng kanilang operations budget ang tatanggalin. Nasaan po ba ang mga sinasabing salbabida? Tila wala pong makakarating sa pampang dahil lahat ay itinulak na sa malawak na dagat. Kahit ang mga scholarships ng CHED, kakalahatiin din ng budget.

Nababanggit po ng Pangulo ang prayoridad at paglaki ng budget ng DepEd. Kagaya niya, tingin namin, dapat din nating suriin ito. Lalo na’t kalakhan ng inilaki ng pondo ay automatic na pagtaas naman dahil sa itinakda ng batas na alokasyon para Salary Standardization Law (SSL). Magkano lang po ba dito ang talagang sinadya ng Pangulo para tugunan ang mga kakulangan? Tama po ba ang taya na halos P6 lamang kada Pilipino sa isang araw ang ating pondo? Payag po kami na magkasama nating busisiin at pag-aralan ito, basta sa klasrum ng public school tayo mag-aral.

Tama po ang Pangulo. Napakaliit po ng kaltas na P1.39 bilyon sa UP kung ihahambing sa higit P10 bilyon na idinagdag sa pork barrel o P21 bilyon na dole out funds ng DSWD. Pero ito na po ang pinakamalaking kaltas ng pondo na gagawin sa kasaysayan ng UP. At noong huling kinaltasan ng pondo ang UP ng ilang daang milyong piso, tumaas ng triple ang matrikula sa UP. Kung kakaltasan muli sa susunod na taon, tiyak mas maraming mahihirap na mag-aaral ang hindi na makakapag-aral.

Nakakabahala po ang pagtutulak ng Pangulo na magtaas ng matrikula ang mga paaralan. Ipagkakait po nito lalo sa mahihirap ang karapatang makapag-aral. Kauna-unawa naman ang pinanggagalingan ng Pangulong nagtapos sa mamahaling edukasyon sa Ateneo, pero nakikiusap po tayo: ‘wag igaya sa mga private schools ang mga SUCs. Hindi po lahat ay kayang magbayad ng mahal na matrikula.

Panawagan ng Pangulo: kapos ang pondo at magtipid. Sumasang-ayon tayo rito. Dapat pagkasyahin ang pondo para bigyang atensyon ang nangangailangan. Kaya naman hindi natin maiwasang magtaka at magtanong: Bakit may pinakamalaki sa kasaysayang dagdag ang bayad utang na P80.9 bilyon? Bakit magtataas ng P10 bilyon ang badyet ng AFP? Bakit napakalaki ng pondo ng dole-outs ang DSWD ng P29.2 bilyon? Bakit magtataas ang pork barrel ng higit P10 bilyon?

Hindi po ba sila exempted sa pagtitipid? Mas mahahalaga ba ang mga ito kaysa edukasyon ng mamamayan?

Magandang bagay po na binuksan ng Pangulo ang talakayang ito at inihayag ang kanyang paninindigan. Handa po kami at umaasa sa higit pang mga talakayan. Panawagan din natin kagaya ng Pangulo, ang pakikinig at pagbubukas ng isip sa lahat ng panig. Pero bago po ito, mungkahi pong buksan muna natin ang ating mga mata.

STATEMENT
of
President BENIGNO S. AQUINO III
President of the Philippines
In response to queries about the budget of State Universities and Colleges

[October 19, 2010]

Nitong mga nakaraan pong linggo, nakarating po sa atin ang ilang mga hinaing at reklamo ukol sa ating iminungkahing budget para sa State Universities and Colleges (SUC’s) sa taong 2011. Pinakinggan natin ang kanilang saloobin tungkol dito. Bilang paglilinaw po, narito ang katotohanan, at ang aming paninindigan.

Ang inilaang pondo para sa kanila ay bahagi ng ating isunusulong na zero-based budgeting at ito po ang pinaniniwalaan kong mas nararapat.

Sabi po nila, pinababa raw natin ang budget para sa sektor ng edukasyon. Nagtataka po ako kung bakit may ganitong reklamo sapagkat malinaw po na tumaas ang budget para dito ng 12.92%. Para sa taong 2011, 271.67 bilyong piso ang inilaang budget para sa edukasyon samantalang ngayong 2010 naman, 240.58 bilyong piso. May nagsasabi rin pong mas mababa daw ang pondo para sa SUC’s sa susunod na taon, na hindi rin naman po totoo. Ang mungkahing budget para sa SUC’s sa 2011 ay 23.4 bilyong piso, mas mataas ng 11.3 porsyento sa iminungkahi para sa taong ito na 21.0 bilyong piso. Lumaki nga po ang 2010 budget sa 23.845 bilyong piso—pero lumaki naman dahil sa mga congressional insertions.

Reklamo ng iba, dapat raw ay mas mataas ito. Sabi naman ng ilan, hindi raw natin binibigyang-halaga ang edukasyon. Sagot ko naman po sa kanila, huwag sanang kalimutan na hindi lang tertiary level ang binibigyang-pansin kapag edukasyon ang pinag-uusapan. Kasama ang CHED, pero kasama rin ang DepEd. Kung susuriin lang po sana ng mga bumabatikos sa atin kung gaano kalaki ang itinaas ng budget ng DepEd, siguro po malalaman din nila na hindi po natin pinapabayaan ang edukasyon. Mas tinututukan lang natin ang higit na nangangailangan ng tulong. Ang basic education ay dapat libre para sa lahat, kaya malaki ang budget na idinagdag natin sa DepEd. Sa pamamagitan nito, masisigurong mabibigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na makapag-aral.

Totoo rin pong bumaba nang kaunti ang budget ng Unibersidad ng Pilipinas, mula sa nakalaang 6.9 billion noong 2010 hanggang sa mungkahi nating 5.5 billion para sa 2011.  Nangyari lamang po ito sapagkat malinaw sa atin na may paraan na ang UP para dagdagan ang sarili nilang pondo. Kumikita na po ang UP-Ayala Technohub, dagdag pa sa kita ng  pamantasan mula sa tuition ng mga estudyante, at sa suportang ibinibigay ng estado. Sa kabilang banda, marami pa pong mga SUC na nangangailangan ng kaukulang atensyon. Sa kanila po natin itututok ang pondong dati’y nakatuon lamang sa UP. Ang makakalangoy po ay inaasahan nating makararating sa pampang; abutan naman natin ng salbabida ang mga maaari pang malunod.

Lilinawin ko lang po: ang pagpapabuti sa kalidad ng edukasyon ay prayoridad ng ating gobyerno. Sa atin pong Reform Budget, tinitiyak nating magiging maayos at karapat-dapat ang ating paggastos. Ito ay para siguraduhin na mapopondohan ang dapat na pondohan. Kaya po pumayag tayo na ganoong halaga ang ilaan sa SUC’s. Ang SUC’s po, ayon sa Higher Education Modernization Act of 1997, ay pinahihintulutan na gastusin ang kanilang kinikita mula sa matrikula at iba pang bayarin ng kanilang mga estudyante. Kaya naman po hinihikayat ko sila na gugulin ito para sa kanilang mga programang pang-akademiko. Nandito naman po ang gobyerno upang alalayan sila.

Ang ganitong pagpopondo ay kailangan natin para matugunan ang mga problema sa iba’t ibang sektor ng bansa tulad ng edukasyon, kalusugan at trabaho. Mahirap na tungkulin ito dahil kaunti na lamang ang maaaring magamit nang malaya sa minana nating pondo mula sa nakaraang administrasyon—nasa anim at kalahating porsyento na lang po.

Nirerespeto ko po ang opinyon ng maraming sektor sa usaping ito, at natutuwa ako sa pag-angat ng antas ng diskurso ukol dito. Panawagan ko lamang po, ang patuloy na pakikinig at pagbubukas ng isip ng lahat ng panig. Maraming salamat po.

0saves
If you enjoyed this post, please consider leaving a comment or subscribing to the RSS feed to have future articles delivered to your feed reader.

2 thoughts on “Tugon sa Pahayag ni Pangulong Noynoy Aquino hinggil sa budget ng State Universities and Colleges”

  1. Pingback: Troll You Need is Love « Kapirasong Kritika
  2. Trackback: Troll You Need is Love « Kapirasong Kritika
  3. joefel tinonas says:

    bakit hanggang ngayon ay hindi p din po matawag n quality education?
    bakit atrasado p din ang edukasyon?

Comments are closed.