Browse By

Susan Fernandez

Nakilala ko si Susan Fernandez sa mga cassette na album niya na laging nagkalat sa kwarto ng nanay ko noong bata pa ako. Madalas patugtugin ng nanay ko ang mga tape niya ng malakas kapag linggo ng umaga. Nang tanungin ko kung sino ‘yun, sabi niya magaling na mang-aawit daw. Kaya tumatak sa akin ang pangalan nya at kahit hindi ko siya nakikita sa TV, naihanay ko siya kina Leah Salonga at Kuh Ledesma.

Syempre nung tumanda pa ako ng kaunti, naintindihan ko na ang halaga ng mga awitin ng “Nightingale” ng mga progresibo. Kaya’t sa kanyang pagpanaw nitong nakaraang linggo, ginoogle ko ang kanyang mga video. Nagsisi ako na hindi nakadaan sa mga parangal sa kanya, pagkat may tumatak sa aking halaga ng kanyang mga awitin na nagbigay inspirasyon sa isang henerasyon ng mamamayang lumaban sa tiraniya, at nagbigay daan sa pagyakap maging ng kanilang mga anak sa landas ng pagbabago.

Ang muling pakikinig sa mga awit ni Susan at ng mga kahenerasyon niya ay nagpapaalala sa bagong henerasyon na lumipas na nga ang panahon, pero hindi ito panahong nasayang dahil pinagpundaran ito ng giting ng paglaban at paninidigan. Ginintuan itong kasaysayan ng kilusan ng mga mahuhusay na mang-aawit, mararangal na mga lingkod ng masa, at magigiting na mga mandirigma, na nag-alay ng buhay at panahon para sa isang mas maaliwalas na bukas para sa mga mamamayan.

Marami sa mga awit: “Lupao”, “Sa Kanayunan”, “Awit ni Canuplin”, “Babae Ka”, ay kinakanta pa rin sa mga protesta at sa mga tambayan sa kasalukuyan. Pagkat pareho pa rin naman ang mga kalagayan, at pareho ang hamon ng paglaban para sa mga mamamayan.

Magpapatuloy ang pagkanta ni Susan Fernandez sa tinig ng mga api at nakikibaka, sa boses ng mamamayang nag-aasam ng tunay na pagbabago.

*Mula dito ang larawan sa itaas.

0saves
If you enjoyed this post, please consider leaving a comment or subscribing to the RSS feed to have future articles delivered to your feed reader.