Browse By

Pagsagot sa krisis

Nobyembre 25, 2008. May quiz si Julia ngayong araw. Pero wala sa siya sa klasrum. Nasa assembly point siya ng kanilang pamantasan, naghihintay ng mga kaklase at naghihikayat sa iba pang kamag-aaral na sumama sa pagtitipon-protesta sa araw na iyon.

Kasabay ng pagtutulak ng mga buwitre sa Batasan sa pagbabago sa konstitusyon para mapatagal ang termino ni Arroyo, magtitipon sa Plaza Miranda ang iba’t ibang grupo ng mga kabataan para pag-usapan ang pagbabagong panlipunan at pagtapos sa bulok na kaayusan.

Ilang araw bago ang pagkilos, nang pumutok ang panibagong pagtatangka ng mga alipores ni Arroyo na buhayin ang Cha-cha, sinimulan na ng mga kabataan ang pagkalampag sa mga paaralan. Itinapat sa pangangalap ng pirma ni Mikey Arroyo sa Kongreso ang sariling signature campaign kontra-Chacha. Kung pera ang pinamumudmod ng mga tirano para lamang makalap ang ilang daang pangalan, kamulatan at paninindigan naman ang sandata nina Julia.. Kakalapin nila ang daan-libong pangalan, na magsisilbing manipesto, hindi lang ng pagtutol, kundi ng pagtitiwala sa kapangyarihan ng pagkilos at pagkakaisa.

Sa Plaza, pinagtagpi-tagpi ang mga speaker, mic na pang videoke at tagtag na amplifier na ipinatong sa isang maliit na trak na magsisilbing entablado. Walang panama kung itatapat sa magagarbong press conference ng mga alipores ng reyna, pero tiyak, mas malakas ang dagundong ng panawagan:

“Sagot sa krisis: sama-samang pagkilos para sa pagbabagong panlipunan!”

Nagsimula ang programa nang mapuno na ng mahigit isang libong kabataan mula sa iba’t ibang pamantasan, hayskul at komunidad ang Plaza, idagdag pa ang mga mamamayan sa paligid na nakinig sa programa. Isang daan rito ay mula sa paaralan ni Julia, karamihan nakapula.

Kung nagdasal ang mga kampon ng reyna na bigyan sya ng tibay ng loob na maghari lagpas ng termino, sa dalangin din inumpisahan ang pagtitipon:

“Patawarin nyo po sya, ‘di nya alam ang kanyang ginagawa. Ngunit dinggin ang nagkakaisa naming hiling, bigyan kami ng lakas upang ang kanyang kasamaan ay kagyat nang tapusin.”

Sa Kongreso, pagpapatagal sa pwesto ang adyenda; sa Plaza, matagalang pakikibaka. Pagpapatindi ng pagpapahirap at pagpapaalipin sa dayuhan ang isinusulong ng mga naghahari; sa lansangan, ang usapan ay pagpapatindi ng paglaban. Dapat higit na pag-aralan ang lipunan, paglingkuran ang sambayanan at palakasin ang rebolusyunaryong pakikibaka.

At ang sinimulan sa paaralan, at dinala sa Plaza ng masa, ay magtatapos sa tarangkahan ng kapangyarihan sa martsa patungong Mendiola. Gaya ng dati, nakaabang na agad ang mga pulis, handang mandahas at mandakip para ipagtanggol ang ilang metro ng kongreto’t kalsada. Tanda ang mga shield, batuta at trak ng bumbero ng pangamba at takot nila sa panahong mas marami pa ang tutugon sa hamon. Marka rin ng desperasyon, pagkat alam nilang pagdating ng araw na iyon, gaano man kadami ang kanilang iharang, ‘di nila mapipigil ang pagkilos ng bayan.

Walang takot na isinandal ng mga nasa unang hanay ang kamay sa shield ng pulis. Si Julia, nasa bandang likuran, medyo kinakabahan, pero buo ang paninidigan. Parang sampung ulit ng pinaghalong pakiramdam ng kaba sa mahirap na exam at kumpiyansa dahil alam mong tama ang iyong sagot ang nararanasan.

“Sa araw na ito, ipinakita nating handa tayong tumahak sa wastong landas, sa landas ng pagbabago. Handa tayong humarap sa hamon ng krisis at sumuong sa magiting na pakikipaglaban. Hindi tayo madadaig ng panloloko, pagpapahirap at pandarahas. Magwawagi tayo at ang mga sakim at gahaman gaya ni Arroyo ay babagsak.”

Hindi makikipagbuno ang mga kabataan sa mga pulis sa araw na iyon. Alam nilang may mas matinding labanan silang susuungin: ang pagbubukas sa mas maraming isipan, pagbibigay lakas ng loob sa inaapi at pagkikiisa ng mas mahigpit sa laban ng mamamayan. Pinakiusapan na lang nilang umatras ng ilang hakbang ang mga pulis upang padaanin ang magmamaniobrang hanay na susuyod sa mga eskinita at magpopropaganda sa mga komunidad.

“Babalik kami! Mas Marami!”

Sa headline sa susunod na araw ay mapapa-bwakanangshet si Julia: Plan to zap 2010 elections exposed. Hindi biro ang maniobra ni Arroyo para higit pang maghari at pahabain ang termino.

Kailangan gumawa ng paraan makapag-make-up quiz. Hindi sya nakapasok sa klase. Pero walang dahilang magsisi, dahil alam niyang sa araw ng kanyang exam, tamang sagot ang kanyang pinili. #

Kolum sa PinoyWeekly.org

0saves
If you enjoyed this post, please consider leaving a comment or subscribing to the RSS feed to have future articles delivered to your feed reader.