Browse By

Pagkatapos ng SONA

250711_BA-4

So ano na?

Gaya ng inaasahan, pinilit ni Aquino na paniwalain ang mamamayan na may pagbabago at pag-unlad sa ilalim ng kanyang gubyerno sa kanyang State of the Nation Address (SONA). Pero pagkatapos ng wang-wang, paano na nga ba nito tutugunan ang mga karaingan at panawagan ng mamamayan para sa sahod at kabuhayan, lupa, karapatan at serbisyong panlipunan?

Muli nitong binuhay ang linyang anti-kurapsyon laban sa gubyerno ni Gloria Arroyo ngunit hindi naman mapagtakpan ang kainutilan nito sa pagkakaso at pagpapanagot sa nagdaang administrasyon. Nagpapatuloy din ang kronyismo at bulok na pamamahala sa “KKK” ng bagong gubyerno.

Sa totoo, ang ginawa lang nito ay pagtakpan ang lalo pang nabubulok na sistema at sikapin sa kanyang retorika na ibalik ang tiwala ng mamamayan rito. Pero walang esensyal na pagbabago, patuloy ang pagtataguyod ng interes ng dayuhan at iilan.

Mas malala pa, matapos ang pambobola sa SONA, tuloy-tuloy ang mga hakbanging kontra-mamamayan.

1. Budget cuts sa edukasyon, kalusugan at serbisyo

Sa ipinasang P1.8 trilyon na kabuuang badyet ni Aquino para sa 2012, 50 State Universities and Colleges (SUC’s)  ang may pinagsama-samang kaltas na P569.8 milyon sa mga kabuuang pondo nito. Nasa 45 na paaralan ang kinaltasan ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng P250.9M. Kinaltasan din ang ng Personal Services (PS) ng 58 na mga pamantasan na aabot sa P403.3 milyon. Walang pondo para sa Capital Outlay o pagtatayo ng mga bagong gusali o pagbili ng mga kagamitan para sa SUCs.

Habang kinakaltasan ang pondo ng SUCs, kapos na kapos naman ang pondong inilaan sa Department of Education (DepEd). Hindi sasapat ang P238 B at malayo sa pangangailangan para mapunan ang mga kakulangan sa guro, libro, silid-aralan at upuan.

Habang kinakaltasan ang pondo sa edukasyon, sinusuhayan naman ang walang habas na pagtataas ng matrikula at iba pang mga bayarin sa mga pamantasan. Sanhi nito, lumalaki ang bilang ng hindi nakakapag-aral at drop-out sa pamantasan.

Binabarat din ang pondo ng serbisyong pangkalusugan at iba pang serbisyong panlipunan para itulak ang pribitisasyon at pagpapabaya sa pampublikong serbisyo. Ang P44.4 bilyon na inilaan sa serbisyong pangkalusugan ay lubhang napakaliit kumpara sa P90 bilyon na kailangan para lamang matugunan ang pinakapayak na mga pangangailangan ng mga ospital. Sa halip, itinutulak ng gobyerno ang pribitisasyon ng serbisyong pangkalusugan.

Ang pondo para sa serbisyong pabahay ay nananatiling napakaliit: P7 B o 0.3% lamang ng pambansang badyet na di sasapat sa higit dalawang milyong maralita dito pa lamang sa Metro Manila. Katulad noong nakaraang taon, lubhang binawasan din ng gobyerno ang pondo ng iba’t ibang ahensya na nangangalaga sa kapakanan at kaligtasan ng mga migranteng Pilipino.

2. Weng-wang ang prayoridad: dinagdagan ang pondo ng militar, kurakot at utang panlabas

Habang walang pondo para sa mga paaralan at ospital, napakalaki naman ng pondong inilalaan para sa pambayad-utang panlabas, militar, dole-out at kurakot. Nasa P357 billion ang nakalaan para sa interest payments ngayong taon. Sa kabuuan, P738.57 bilyon o higit 40% ng budget ay nakalaan sa bayad-utang panlabas.

Ang nakalaan sa Department of National Defense mula sa P104.7 bilyon sa 2011, ay tumaas na naman sa P107.9 bilyon sa susunod na taon. Ito ay sa kabila ng mga anomalya sa pagpopondo rito.

Tumaas din ang pork barrel ng mga senador at kongresista: P24.8 billion para sa 2012 mula sa P24.6 billion noong 2011. Dinagdagan na ito ng P10.9 billion para sa 2011. Ang unprogrammed funds o pork barrel na presidente ay tumaas mula P66 bilyon tungong P161 bilyon para 2012.

Habang pinababayaan ang pagpopondo sa serbisyong panlipunan, sinusuhayan naman ang pribitisasyon at mga dole-outs. Ang pondo para sa public-private partnership (PPP) na ipapabuya sa malalaking negosyo ay aabot sa  P22.1 bilyon. Napakalaki din ng idinagdag sa pondo para sa conditional cash transfer funds (CCT) dole-outs na umabot na sa P39.5 billion mula Php10.9 billion lamang noong 2010 at P29.2 billion noong 2011.

3. Tuloy-tuloy ang pagtataas ng presyo, papasahol na kahirapan at atake sa maralita

Habang inaabandona ang serbisyong panlipunan, lalo namang pinapaboran ng gubyerno ang pang-aabuso ng malalaking negosyo at itinutulak ang pagdausdos ng halaga ng sahod.

Kasabwat ang gubyernong Aquino sa overpricing na ginagawa ng mga kartel ng langis na aabot sa P9.00 kada litro. Mula sa nasa P32 kada litro lamang na halaga ng Diesel sa pag-upo ng gubyernong Aquino, aabot na sa P45 ang kada litro nito. Sa kabila ng malinaw na panloloko ng kartel ng langis sa mamamayan, pinananatili ni Aquino ang Oil Deregulation Law at EVAT sa langis at nagiging tagapagsalita pa nga ng kartel. Kaya naman kinakasa na ng iba’t ibang mga grupo ang mga aksyon laban sa pagtataas ng presyo.

Walang makabuluhang pagtugon sa karaingan para sa dagdag sahod ng mga manggagawa ang gubyerno. Sa katunayan, nabawasan na ng P4,000 sa isang taon ang tunay na halaga ng sahod sa ilalim ng gubyerno nito. Patuloy na isinusulong ang kontraktwalisasyon ng paggawa na lalong nagpapababa sa sahod, nagkakait ng mga benepisyo at nagtatanggal ng karapatan ng mga manggagawa.

Pinagmalaki ni Aquino sa kanyang SONA na nakalikha ito ng isang milyong trabaho ngunit di naman malaman kung saan ito. Ang hindi niya binanggit, mahigit isang milyon din ang nadagdag sa pwersang paggawa, at marami ang natatanggal sa trabaho dahil sa kontraktwalisasyon.

Ang totoo, lumaki sa 11.3 milyon ang bilang ng mga walang trabaho, at ang tantos ng kulang sa trabaho ay lumalala sa kabila ng patuloy na pagpapalabnaw sa depinisyon at kategorisasyon ng mga walang trabaho. Ayon sa SWS, si Aquino ang nagtala ng pinakamasahol na tantos ng disempleyo sa unang taon ng panunungkulan kumpara sa iba pang presidente. Animnapung porsyento (60%) ng mga may trabaho ay partaym na manggagawa lamang at halos kalahati ng may trabaho ay nasa impormal na sektor. Wala silang katiyakan sa trabaho, walang mga benepisyo at hindi pinahihintulutang mag-unyon.

Tuloy-tuloy din ang atake sa kabuhayan at karapatan sa paninirahan ng mga maralita. Sa ilalim ng isang taon ng gubyerno, higit sa isa kada buwan ang malakihang demolisyon. Aabot na sa 103,000 na indibidwal ang nawalan ng tirahan dahil sa mga demolisyon. Tatlong lider-maralita ang napaslang dahil sa paglaban para sa karapatan sa paninirahan. Nakatakda muli ang mga demolisyon ngayong Agosto hanggang sa mga susunod na buwan sa maraming komunidad.

  1. 4. Wala pa ring lupa, hustisyang panlipunan at karapatan

Nagpapatuloy ang inhustisya sa Hacienda Luisita. Matapos ang SONA, isinaad ni Aquino na ang posisyon nya sa usapin ng Hacienda Luisita ay referendum din na kontra-magsasaka. Nakalimutan na ang pangako na ipapamahagi ang Luisita.

Tuloy-tuloy ang paglabag sa karapatang pantao. Maaaring lagpasan ni Aquino ang rekord ni Arroyo sa paglabag sa karapatang pantao kung wala itong gagawin upang pigilan ang mga paglabag. Wala pa ring hustisya sa mga pinaslang sa ilalim ng nakaraang gubyerno. Nais na nito ngayong pasahulin ang batas kontra-terorismo.

Dahil sa kawalan ng aksyon ni Aquino sa mga napagkasunduan ng parehong panig, naudlot ang usapang pangkapayapaan ang gubyerno sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Pakitang-tao ang kagustuhan nito sa kapayapaan habang wala namang tugon sa ugat nito: kahirapan at tuloy-tuloy na paglabag sa karapatan.

Pagkatapos ng pambobola ng SONA, tuloy-tuloy pa rin ang mga atake sa karapatan, kahirapan, at kawalan ng hustisyang panlipunan.

0saves
If you enjoyed this post, please consider leaving a comment or subscribing to the RSS feed to have future articles delivered to your feed reader.