Browse By

Paghahanda sa kumprontasyon

Gaya ng dati, naging masaya ang mala-pistang pagtitipon sa Ayala noong Biyernes. Kinatangian ang programa ng panalangin, mga pagtatanghal at mga mensahe mula sa iba’t ibang grupo. Mula sa mga lider-masa, hanggang sa mga senador at maging dating pangulo, noong Biyernes ay nagpahayag kontra sa Cha-cha. Idagdag pa ang ningning ng mga ilaw sa mga gusali sa Makati na pumapalibot sa mahigit 10,000 na nagprotesta.

Pero may kakaiba sa mood noong Biyernes. Bukod sa paghahanda sa Pasko, na tema ng kalakhan ng mga plakard at mga panawagan ng mga grupo na naroroon, tumampok ang isang komon na pakiramdam at mensahe: kailangan maghanda sa mas matindi at magiting na paglaban sa mga susunod na linggo at buwan.

Sa bungad pa lamang ni Dr. Carol Araullo habang nagmamartsa ang delegasyon ng Bayan, tila kalevel niya si Manny Pacquiao na naharap sa hamon: ”Magkakasubukan na. Ipipilit nila ang Cha-cha kahit anung mangyari sa pag-aakalang maaari nilang gawin maski ano. Patutunayan ng taumbayan sa kanila na nagkakamali sila sa akala nila.”

Tampok sa programa si Juana Change, isang artista na gumanap sa papel ng kontrabidang kongresista, na nang-aasar sa mga tao na umano’y wag na magprotesta at iraratsada nila ang Cha-cha. Kahit siya, nagbabanta din at tila inihahanda ng husto ang mga tao: ”Itutuloy namin ang Cha-cha. Dadaanin namin sa suhol! Kung may papalag, ibababa namin ang emergency rule!”

Hindi inabot ng pagkilos ang laki ng mga pagkilos sa unang bahagi nitong taon sa Makati, pero hindi matatawaran ang kakaibang saklaw at lawak ng mga grupo at personalidad na lumahok dito. Mula sa simbahan, negosyo, iba’t ibang kulay na pulitiko, at syempre mga batayang sektor at mga organisasyong masa ay dumalo.

Si Mar Roxas, senador at presidentiable, nagmura pa sa kanyang talumpati. Maaaring ispontanyo dahil naiinis na talaga o maaaring ding kalkulado para tumampok noong araw na iyon, pero tiyak, wala nang atrasan mula doon. Aasahan na siya at dapat na niyang panindigang makakasama siya sa pagbigo sa ”Gloria Forever Cha-cha” at sa mga hakbang para labanan ang pagpapahaba sa tiraniya ni Arroyo.

Mas matatapang din ang mga pahayag ng mga lider-masa at mga organisadong grupo na tila inihahanda ang kamulatan ng taumbayan para sa mas matinding paglaban.

Marami ang naglinaw sa katangian ng Cha-cha na papabor sa higit na paghahari ng dayuhan at pag-atake sa mga karapatang sibil. Si Sister Mary John Mananzan, nagpaliwanag na lagpas sa pagpigil sa Cha-cha at kay Gloria, kailangan ng ”radikal na pagbabagong panlipunan”. Ang kinatawan ng Amihan, si Nanay Zeny Soriano, di nag-atubiling ipaliwanag ang halaga ng pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at umawit pa ng rebolusyunaryong kanta sa umpisa ng talumpati.

Sa bandang pagtatapos ng programa, ang bandang Datu’s Tribe, matapos ang kanta nila, sumigaw: ”Wag na nating hintayin ang 2010!”

Tunay na sa pagpipilit ng rehimeng Arroyo sa Cha-cha, di na tayo pwedeng maghintay pa sa 2010. At habang kumokonti ang panahon ng rehimen, higit na tumitindi desperasyon nito. Kaya’t higit ding dapat maghanda ang taumbayan para sa mas matitindi, kung hindi man mapagpasyang mga kumprontasyon sa darating na bagong taon. #

Kolum sa PinoyWeekly.org

0saves
If you enjoyed this post, please consider leaving a comment or subscribing to the RSS feed to have future articles delivered to your feed reader.