Browse By

Nagpapatuloy ang Sigwa: Ika-42 taong paggunita sa First Quarter Storm

(Speech for FQSM assembly)

Enero 26, 1970, 42 taon ang nakakaraan, naganap ang isa sa pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng pakikibaka ng kabataan at mamamayan — ang First Quarter Storm (FQS) ng 1970. Niyanig ng malalaking mga protesta ang rehimeng US-Marcos, at umalingawngaw sa buong bayan ang panawagan para sa makabuluhang panlipunang pagbabago.

Ako ay anak ng mga aktibista ng 1970-80s. Sa pagkakaalam ko, hindi nakasama sa FQS ang aking mga magulang, pero kasama sila sa mga inabot ng impluwensya nito. Kung may bedtime stories ang ibang bata, ang sa akin, mga kwento ng paglaban noong panahon ng Batas Militar.

Halimbawa, maaga kong nakilala si Ka Satur Ocampo, hindi sa personal, kundi sa kwento ng aking mga magulang noong nakasama nila siya sa kulungan. Larawan daw si Ka Satur ng determinasyon at kasikhayan. Sa gitna ng panlulumo ng aking mga magulang noong makulong, si Ka Satur, araw-araw na nagjojogging sa masikip na kwarto sa likod ng rehas, naghahanda sa pagtakas.

Sa mga kwentong ito at sa pagkamulat ko din paglaon bilang aktibista, pwedeng sabihing “minana” ko ng sigwa.

Kaming mga aktibista ng kasalukuyang henerasyon, kapag naririnig ang mga kwento ng FQS, hindi maiwasang makaramdam ng inggit, o mangarap na sana naging bahagi kami noon, o di kaya humiling na ipanganak sa ibang panahon. Pero siyempre, hindi naman pangyayaring dapat kamanghaan lamang. Ika nga, di ito pang nostalgia-tripping ni dapat i-romaticize lang. Hindi lang dapat bumalik sa panahon ng sigwa; mas mahalagang dalhin ang sigwa sa kasalukuyang panahon.

Kung tutuusin, wala namang nagbago. Ipinanganak pa rin kami sa parehong kalagayan noong panahon ng FQS. Ika noon, “mayaman ang Pilipinas, naghihirap ang Pilipino”. Ganoon pa din ngayon. Ang siyang
nagtatanim, walang makain. Iskwater sa sariling bayan ang Pilipino, dinedemolish ang bahay ng maralita. Mababa ang sahod habang sunod-sunod ang pagtatataas ng presyo. Pinagsasamantalahan ng iilan at dayuhan ang nakararaming mamamayan. Ang dukha ay lalo pang binubusabos ng mapaniil na estado.

Kaya naman nagpapatuloy na buhay at makabuluhan ang sigwa. Ang panawagang “Ibagsak ang Imperyalismo, Pyudalismo, Burukrata Kapitalismo,” paano mang paikut-ikutin, sa anumang salita man
banggitin, ay siya pa ring angkop na panawagan hanggang ngayon.

Para sa mga naghahari, ang FQS ay banta — hindi habang panahon ay panahon ng pang-aabuso ng iilan sa nakararami. Hindi habag panahon, magtitiis na lamang ang masa at sambayanan. Para sa mamamayan, ang FQS ay inspirasyon at pag-asa — “Makibaka, ‘wag matakot!” May kinabukasang mas naghihintay sa sama-samang paglaban at pagrerebolusyon. Para sa mga kabataan ito ay naglalatag ng tungkulin at istorikong misyon — “Ituloy ang ‘di natapos na rebolusyon! Paglingkuran ang sambayanan! Sumandig sa masa!” Magpunyagi na maging tunay na “pag-asa ng bayan” sa pagtahak ng landas ng militanteng pakikibaka at pagsusulong ng rebolusyong pangkultura.

Ang sabi sa isang streamer noong FQS: “Rebolusyon ang pangunahing tunguhin ng daigdig ngayon!” Lalong totoo ito ngayon. Papalubha ang krisis pandaigdigan, bigo ang repormismo at mga pangako ng mga nagsasabing para sa “pagbabago.” Nakaturo ang kalagayan sa landas ng pag-aalsa at radikal na pagbabago.

Nagpapatuloy ang kabuluhan ng mga kataga at panawagan: “Ibagsak ang pasistang estado!”, “Makibaka para sa Pambansang Demokrasya!”, “Digmang bayan, sagot sa kahirapan! Kabataan, tumungo sa kanayunan!”

Dapat nating parangalan ang mga naging bahagi ng FQS, mga aktibistang lumaban sa diktadurang Marcos at sa FQS Movement na naglatag ng pundasyon at mga aral ng pakikibaka ng bayan para sa pagbabago. Bago pa mang ang Occupy at People Power, mayroon munang FQS. At hindi ito nagkasya sa pagpapalit ng pangulo o pagpuntirya sa ilang isyu, kundi naghangad ng radikal na panlipunang pagbabago at inilatag ang landas para sa pagkakaganap nito. Para dito, marapat na magpasalamat ang taumbayan.

Wala pong dahilan para mag-alala ang mga beterano ng FQS. Hindi po mamamatay ang alaala ng FQS at mga martir laban sa diktadura. Sa bawat kampanya, sa pagpaplano ng malalaking pagkilos, sa bawat pagtatasa at pagbabalak ng pagpapalawak ng mga organisasyon, sa bawat kampanya ng malawakang edukasyon, binabalikan naming mga kabataan at pinaghuhugutan ng aral at inspirasyon ang FQS. Asahan natin ang muling pagdaluyong ng kilusang masa para sa tunay pagbabago sa mga nalalapit na panahon.

Marapat nating ideklara: buhay na buhay ang diwa ng FQS. Nagpapatuloy ang sigwa!

Visit the First Quarter Storm Library for archives and articles written during the storm. Here is Ka Satur Ocampo’s speech during the FQS commemoration in UP via Arkibongbayan. Read Antonio Zumel’s account of the FQS.

Read Jose Ma Sison’s statement commemorating the storm and Alex Remonillo’s bulatlat feature. Pete Lacaba has perhaps the most popular account of the storm in Days of Disquiet, Nights of Rage. Here is an article on the role University of the East played in the FQS.

0saves
If you enjoyed this post, please consider leaving a comment or subscribing to the RSS feed to have future articles delivered to your feed reader.