Browse By

Epic Fail: 7 dahilan kung bakit bagsak ang unang taon ni Aquino

Wala nang talab ang mga retorika at punchlines, hindi na nakakatawa ang mga jokes, yung iba nakakarindi na matapos ang isang taon. Paano, marami sa mga binitiwang pangako ni Noynoy Aquino sa mga kabataan at mamamayan ay wala naman talaga ring pinuntahan, at napalala pa ang kalagayan.

Ang kanyang campaign promise: “Kung walang korap, walang mahirap.” Ang kinahinatnan: Sa isang kurap, dumami ang mahirap. Ang “tuwid na daan” ay para pala makapag-top speed ang Porsche. Ang nagbago lang ay ang hairstyle ni Gloria Arroyo na nagagawa pa ring magpasalon.

Matapos ang isang taon, tila mas marami pa ang buhok sa bunbunan ni Noynoy kaysa nagawa niya para sa kapakanan ng kabataan at mamamayan.

Pwede na ulit mangarap? Tinanggalan ni Aquino ng pangarap ang maraming kabataan, walang edukasyon, walang disenteng trabaho, nilalabag ang karapatan, lubog sa kahirapan.

Epic fail, bagsak, bugok na penoy ang iskor ni Aquino, lalo na para sa mga kabataan. Narito ang ilang mga dahilan.

  1. 1. Budget cut sa SUCs at pagpapasahol ng krisis sa edukasyon

Kinaltasan ni Noynoy ang pondo ng mga state universities and colleges (SUCs) ng mahigit P1 billion para sa taong ito. Pero dinagdagan ng bilyon-bilyon ang pondo para sa pork barrel, militar, dole-outs at utang panlabas.

Dahil dito, lalong tumindi ang krisis sa mga SUCs, nagtaasan ang mga matrikula at mga bayarin, marami ang nahirapan na makaenroll. Kahit sa mga nakapasa sa UP, halos kalahati ang hindi nakapasok dahil walang pambayad.

Tipid na tipid naman ang basic education, na nasa P6 kada kabataan sa isang araw lamang ang ginagasta ng gubyerno. Imbis na dagdagan ang badyet, dagdag na taon sa K12 na programa ang plano ni Noynoy. Sa unang taon ng pagpapatupad nito, dumami pa ang kakulangan sa pasilidad, gastos at sakit ng ulo ng mga kabataan at magulang. Tiyak na dadami ang drop-outs.

  1. 2. Tuloy-tuloy na tuition increase

Dagdag pa rito, walang ginagawa ang gubyerno para pigilin ang pagtaas ng matrikula at iba pang mga bayarin sa pamantasan. Nasa 340 na paaralan ang nagtaas na naman ng matrikula ngayong taon na aabot na sa P30,000 pataas ang bayarin.

Habang dumarami ang hindi makabayad, tinatayang nasa P15.43 billion ang kabuuang kita ng top 5 schools pa lamang sa nakaraang 6 na taon.

Kaya naman dumadami pa ang hindi nakakapag-aral. Aabot sa 80% ng mga nasa edad high school ang tinanggalan na ng gubyerno ng pangarap at out of school sa kasalukuyan. Sa 10 na makakapasok sa paaralan 1 lamang ang makakatapos ng kolehiyo.

  1. 3. Tumitinding kahirapan

Sa isang kurap, dumami lalo ang mahirap. Sa kasalukuyan, aabot sa 80% ng populasyon ang lubog sa kahirapan at nabubuhay sa mas mababa sa P104 sa kada araw. Kalahati nito ay nabubuhay sa P18-54. Dumami ang bilang ng nagugutom sa ilalim ni Aquino, na aabot sa 20.5% o 4.1 milyong pamilya nitong unang kwarto ng 2011, mas mataas kaysa 3.4 milyon noong huling kwarto ng 2010.

Dumami ang walang trabaho na aabot sa 11.3 milyon, mas mataas kaysa 9.9 milyon noong 2010. 4,000 Pilipino araw-araw umaalis ng bansa para magtrabaho.

Mabilis na bumababa ang halaga ng sahod sa gitna ng patuloy na pagpapataas ng mga bilihin. Kulang na kulang ang P404 minimum wage kumpara sa higit P900 na kailangan para mabuhay ang isang pamilya. Ayaw ibigay ni Aquino ang P125 na umento sa sahod ng mga manggagawa at pagtatanggol nito ng bilyon-bilyong kita ng mga kapitalista. Insulto ang sagot nitong P22 na emergency cost of living allowance (ECOLA) para sa Metro Manila.

Inutil si Aquino na itigil ang pagtaas ng presyo ng langis, kuryente at mga bilihin, at nagpapabigat pa sa pamamagitan ng pagtutulak ng pagtataas ng presyo ng MRT at LRT at mga serbisyo.

Tuloy-tuloy ang demolisyon sa mga komunidad na aabot sa 500,000 ang maaapektuhan, samantalang 30,000 lamang ang pabahay ng gubyerno.

Hindi pa rin pinamamahagi ng Haciendero Republic ang lupa para sa Hacienda Luisita at walang tunay na land reform para sa 70% ng mga magsasakang sa kasalukuyan ay walang lupa.

  1. 4. Paglabag sa karapatang pantao

Tuloy-tuloy ang pamamaslang, pagdukot at paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ni Aquino. Wala pa ring hustisya para sa higit 1,000 na biktima ng pamamaslang at pagdukot sa ilalim ni Arroyo.

Aabot sa 45 ang mga kaso ng extra-judicial killings at 5 kaso ng sapilitang pagkawala sa unang taon ni Aquino, hindi nalalayo sa record ng dating rehimeng Arroyo. Walang anumang proklamasyon si Aquino hinggil sa panawagan na paglaya ng mahigit 300 ang mga political prisoners, at least 59 dito ay mga kabataan.

Kabilang dito sina Maricon Montajes, Romiel Canete at Ronilo Baes. Hindi pa rin inililitaw sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan. Hinuli kamakailan lamang at kinasuhan ang 7 mga nagpoprotestang kabataan sa Calamba, kabilang ang limang mag-aaral ng UPLB.

Nagpapanggap si Aquino na para sa usapang pangkapayapaan ngunit ito mismo ang hindi tumupad sa mga kasunduan na palayain ang mga konsultant at kasapi ng NDFP na nakasaad sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).

  1. 5. Hindi pagpapanagot kay Arroyo

Si Erap noon, nakulong tatlong buwan matapos mapatalsik sa pamamagitan ng EDSA 2. Ngayon, sa kabila ng malawak na galit ng mamamayan kay Arroyo, ni hindi pa nasasampahan ng kaso ng gubyernong Aquino ang nagdaang rehimen.

Malinaw na hindi ito seryoso na panagutin si GMA at ginagawa lamang na palusot ang nagdaang gubyerno para may masisi sa mga kapalpakan nito. Samantala, marami sa mga nasa posisyon sa kasalukuyan ay mga dati din namang kasabwat ni Arroyo.

Hindi kataka-taka na mabilis na dumausdos ang popularidad ni Aquino. Ipinostura nito ang sarili na kabaliktaran at magpapanagot sa rehimeng Arroyo noong halalan; isang taon matapos, wala pa ring ni isang kaso na naisampa ang rehimen laban kay Arroyo at sa kanyang mga kasapakat.

Ang “truth commission” na binuo nito ay pakitang-tao na, palpak pa. Ang mga kasong isinasampa laban kay Arroyo ay isinampa ng mga nasa labas ng administrasyon at inuupuan pa ng kasalukuyang gubyerno.

  1. 6. PPP at KKK sa kapangyarihan

Lantad na din ang parehong bulok na pamamahala ng bagong rehimen. Habang naghihirap ang mamamayan, walang kahihiyan na bumili ng mamahaling Porsche na sportscar si Noynoy dahil may karapatan naman daw siya mag-aliw. Laganap din ang imahe ng pangulo na tanghali gumising, panay ang paglalaro ng playstation, Porsche at pakikipagdate (PPP).

Malawak din ang galit ng mamamayan sa pagtatalaga ng rehimen sa “KKK” o kakampi, kaklase, kabarilan sa mga posisyon sa gubyerno bilang kabayaran sa pagsuporta sa kanya. Mismong sa hanay ng mga nasa paksyon ng gubyerno ni Aquino, tumitindi ang bangayan at nag-aagawan sa kapangyarihan.

  1. 7. Pagkatuta sa dayuhan, pagpapatuloy sa VFA

Todo-todo ang pagkatuta ni Aquino sa Estados Unidos at itinutulak ang pagpapatindi ng panghihimasok nito sa bayan. Sa kabila ng mga panawagan na ibasura ang Visiting Forces Agreement (VFA), makitid na pagrerebyu ang ginagawa nito na magsusuhay pa sa pagpapatuloy sa pagbabase ng US sa bansa. Mahirap na nga ang bayan, nagawa pang bumili ng baril para lamang paboran ang US. Tila proxy ngayon si Aquino ng interes ng US sa Spratlys.

Kaya naman asahan ang protesta at paglaban matapos ang unang taon at sa ikalawang SONA ng gubyernong inutil, pahirap at papet. Tama na ang kasinungalingan, tama na ang pambobola, tama na ang mga atake sa karapatan ng kabataan at mamamayan. Wala nang maaasahang pagbabago kay Noynoy, nakataya sa ating sama-samang pagkilos ang ating kabuhayan, karapatan at tunay na pagbabago para sa bayan.

0saves
If you enjoyed this post, please consider leaving a comment or subscribing to the RSS feed to have future articles delivered to your feed reader.