Browse By

Edukasyong eksklusibo: Tuloy-tuloy na pagtataas ng matrikula sa ilalim ni Aquino

Dagdag pabigat na naman sa mga magulang at pamilya ang pagtataas na naman ng matrikula ngayong taon. Pagkatapos ng nakatakdang mga moro-morong konsultasyon ngayong Pebrero, daan-daang eskwelahan na naman ang inaasahang magtataas ng matrikula at magdadagdag na naman samu’t-saring mga bayarin sa skwela.

 

Ngayong taon, aabot muli sa nasa 400 na pamantasan ang magtataas ng mga matrikula ng hanggang 10-15% at iba pang mga bayarin. Sa University of Santo Tomas 6% at aabot sa 19% para sa mga freshmen, sa University of the East tinatayang nasa 3-6%, sa Far Eastern University 4.8%, sa De La Salle University nasa 5% ang mga proposal. Katumbas ang mga ito ng aabot sa ilang libong piso na dagdag na gastos.

 

Kasabay nito, nagbabanta din ng mga dagdag-bayarin sa mga state universities and colleges. Dahil sa mga budget cuts ng gubyernong Aquino nitong nagdaang mga taon, prublemado na ang mga pampublikong pamantasan sa operasyon at ipinapasa sa mga mag-aaral at magulang ang mga gastusin.

 

Tiyak na madadagdagan na naman ang mga kabataang pagkakaitan ng karapatan sa edukasyon, magdodrop-out o out-of-school. Sobra-sobra ang pagtaas ng matrikula habang padausdos ang kita at kabuhayan ng mamamayan.

 

Walang tigil na pagtataas

 

Taon-taon, walang tigil ang pagtaas ng matrikula sa daan-daang pribadong pamantasan sa buong bansa.

 

Ngayong 2011, umaabot na sa P537/unit ang average na matrikula sa buong bansa, at P1,078.60/unit sa Metro Manila. Higit na doble ito kung ikukumpara sa matrikula noong 2001-2002, mula P257.42 per unit lamang o 108.35% ang itinaas at P439.59 lamang sa NCR o nasa 145.93% na itinaas.

 

Ibig sabihin, sa 18 units bawat semestre, gagastos na ngayon ng mula P19,307.16 hanggang P38,829.60 sa matrikula pa lamang bawat taon. Hindi pa kasama dito ang iba pang mga bayarin.

 

Batbat ang mga paaralan miscellaneous and other fees na minsa’y mas mahal pa kundi kasingmahal ng matrikula. Ang mga ito ay kwestyunable dahil ang iba kasama na dapat sa matrikula, doble-doble, sobrang mahal at hindi naman kailangan o napapakinabangan ng mga mag-aaral.

 

Halimbawa nito ang development fee, registration fee, accreditation fee, internet fee, insurance fee, athletics/sports fee, cultural fee, aicondition fee, email fee, test paper fee, energy fee, medical / dental fee, infrastructure fee at iba pang mga absurd  na mga bayarin.

 

Sinasabi nilang ang mga bayaring ito at ang pagtaas ng matrikula ay para sa pagpapaganda ng pasilidad at para sa pagpapataas ng kalidad sa edukasyon. Pero ayon mismo sa pag-aaral ng CHED, 5.5% lamang ng mga pamantasan ang may maayos at sapat na pasilidad. Pabulusok din ang kalidad ng mga pamantasan kung pagbabatayan ang mga kulelat na ebalwasyon dito.

 

Sa pagtaas ng gastusin sa pamantasan, lalo namang nadaragdagan ang ang bilang ng mga mag-aaral na drop-outs at out of school. Sa kasalukuyan, sa bawat 100 na mag-aaral na papasok sa grade 1, 14 lamang ang makakapagtapos ng kolehiyo. Sa mga papasok din sa kolehiyo, ayon mismo sa CHED, higit 80% o nasa 2.1 milyon ay hindi na makakapagtapos.

 

Lumalaki din ang enrolment sa mga state universities and colleges dulot ng pagtaas ng mga bayarin sa mga pribadong pamantasan. Mula sa 31% lamang noong taong 2000, nasa 36.5% na ito noong 2011. Ngunit sa pababang budget, di rin naman lumalaki ang kakayanan ng SUCs at nagtataas na din ng mga bayarin.

 

Hindi nakakagulat ang malaking bilang ng hindi nakakapag-aral kung ikokonsidera ang patuloy na pagbulusok ng kabuhayan ng mamamayan. Ayon sa mga pag-aaral, 8 sa 10 sa populasyon ang nabubuhay sa mas mababa sa P100 sa isang araw. Nakapako sa nasa P400 ang sahod ng ordinaryong manggagawa, na hindi kakayaning makapagbayad ng limpak limpak para sa matrikula at iba pang mga bayarin.

 

Negosyo, hindi serbisyo

 

Sa kabila ng mga ito, nagrerehistro naman ng papalaking kita ang mga pinakamalalaking private schools sa bansa. Sa loob ng nakaraang anim na taon halimbawa, nagtala ang Top 5 School Earners pa lamang ng P15.43 bilyong revenue at nagkamal ng P3.45 bilyon na malinis na tubo.

 

Noong naraang taon, kumita ang Far Eastern University (FEU) ng P585 million, ang University of the East (UE) ng P300 million at Centro Escolar University (CEU) ng P275 million – mga paaralang kilalang taon taong nagtataas ng matrikula. Hindi pa nababanggit ang mga “non-stock, non-profit” katulad ng University of Santo Tomas, De Lasalle University, at Ateneo de Manila na taon-taon ding nagtataas ng matrikula at tiyak na kumikita.

 

Kaya naman ang mga pinakamalalaking negosyante rin ang nagmamay-ari ng mga paaralan. Si Lucio Tan ay may ari ng UE, si Henry Sy sa National University at Asia Pacific College, si Emilio Yap sa CEU, Alfonso Yuchengco sa Mapua Institute of Technology, ang mga Montinola sa FEU at iba pa.

 

Malinaw na ginagawang gatasan ng tubo ang edukasyon na dapat sana ay serbisyo sa mamamayan. Sa halip na karapatan, higit na nagiging pribilehiyo na lamang ng iilan ang edukasyon.

Kasabwat sa abuso: Higit pang komersyalisasyon bilang tunguhin 

Kasabwat ang Commission on Higher Education (CHEd) at ang gubyernong Aquino sa pang-aabuso na ginagawa ng mga malalaking “kapitalista-edukador.” Sa kabila ng samu’t saring mga reklamo at taon-taon na lamang na pagtaas ng matrikula, pinapanatili ng gubyerno ang palpak na guidelines sa pagtataas ng matrikula at inaapruba ang mga pagtataas.

 

Ang CHEd memo order no. 13 (CMO 13) na una pang ipinatupad noong 1998 na siya pa ring tanging regulasyon sa pagtataas ng matrikula ay bigo sa pagpigil taon-taon at di makatwirang pagtaas ng matrikula, at sa katunayan ay siya pang nagbibigay-daan dito.

 

Sa CMO 13, sinasabing rekisito para sa pagtataas ng matrikula ang mga “konsultasyon” sa mga mag-aaral at iba pang mga sektor ng pamantasan sa paghahain ng mga planong pagtataas ng matrikula.

 

May mga rekisitong itinatakda sa konsultasyon na maaaring magamit para mailantad ang hindi makatwirang pagtataas ng matrikula at mapalakas ang paglaban dito, halimbawa ang rekisito ng 15-day notice bago ang konsultasyon, ang paglalahad ng mga proposal sa pagtataas at paliwanag dito, at paglalabas ng financial statement ng paaralan. Subalit karaniwang hindi naman din ito sinusunod.

 

Kung tutuusin, wala din namang silbi ang mga konsultasyon para pigilan ang mga pagtataas ng matrikula at mga bayarin. Nagagawa pa rin ng mga administrasyon ng pamantasan na magtaas ng matrikula kahit pa tinututulan ito ng mga mag-aaral sa mga konsultasyon. Rubber stamp lang din o halos awtomatiko na ang mga pag-aapruba ng CHEd sa mga proposal sa pagtataas ng matrikula taon-taon.

 

Hindi din kasama kahit sa mga moro-morong mga konsultasyon na ito ang mga miscellaneaous fees at ang pagtaas ng matrikula sa mga freshmen.

 

Sinasaad sa mismong patakaran ng CHED at sa batas na dapat ilaan ang 70% ng tuition increases sa sweldo ng mga guro at kawani, at 20% sa pasilidad. Subalit habang taon-taong nagtataas ng matrikula, di naman tumataas ang sahod ng mga guro, gayundin, may mga dagdag singil pa para sa mga pasilidad.

 

Malinaw sa kainutilan nito at sa taon-taong pag-apruba ng pagtataas ng matrikula ang pagprotekta ng CHED at gubyerno sa mga administrasyon ng mga pamantasan at pagkakait nito sa karapatan ng mamamayan sa edukasyon. Mismong gubyerno ang nagsasabi sa mga pahayag nito na “kung nais ng edukasyon, maging handang magbayad.” Samakatuwid, ang mensahe: pribilehiyo ng iilan ang edukasyon, lalo na sa kolehiyo, at hindi karapatan.

 

Taliwas ito sa isinasaad ng mismong Saligang Batas: “the State shall protect and promote the right of all citizens to quality education at all levels and shall take appropriate steps to make such education accessible to all (Article XIV, Section 1).”

 

Pagsahol ng komersyalisasyon sa ilalim ni Aquino

 

Wala na ngang makabuluhang aksyon para itigil ang pagtataas ng matrikula at mga bayarin, papasahulin pa ng gubyernong Aquino ang krisis at komersyalisasyon sa mga patakaran nito sa edukasyon.

 

Bunsod ng malawak na protesta, nangako ito noong nakaraang taon na kokontrolin ang mga miscellaneaous fees. Pero wala pa ring aksyon hanggang ngayon at ang tanging nagawa ng CHED ay mangako na sa susunod na taon ay maglalabas na ito ng bagong guidelines na magpapasok daw ng other fees sa mga walang kwentang konsultasyon.

 

Samantala, sa plano ng CHED para sa 2011-2016, nakadiin sa rasyunalisasyon at pagpapatidi ng komersyalisasyon. Bahagi nito ang pagnanais umano nitong tanggalin ang “substandard” at “non-performing” schools. Sa kampanyang ito, ang pinupuntirya ay yung mga mababa ang matrikula gaya ng nangyari sa mga kurso sa Philippine Maritime Intitute kamakailan.

 

Ito ay habang maluwag naman sa paglabag sa proseso ng mga malalaking pamantasan sa direksyon umano ay “flexible” na balangkas ng regulasyon. Dagdag pa dito ang mas matinding pagtutulak para sa accreditation ng mga eskuwelahan at pagbibigay sa mas marami sa deregulated o autonomous status.

 

Habang nagtataas ng matrikula sa pribado, binabawasan naman ang bilang ng mga SUCs at Local Universities and Colleges. Ang mga matitira, kinakaltasan ng pondo at itinutulak na magkomersyalisa at mag-“ispesyalisa.” Dahil dito, lumiliit ang kapasidad ng mga pampublikong pamantasan na tumanggap ng paparaming mag-aaral at lalo namang lumalakas ang loob ng mga pribadong institusyon na magtaas ng matrikula.

 

Hayag namang sinasabi rin ng gubyerno na sa programa nito sa K-12, hindi na nais pang patungtungin ng kolehiyo ang mas maraming bilang ng kabataan. Malinaw ang tunguhin kung gayon: pasikipin ng pasikipin ang espasyo para makapag-aral pa ang mamamayan at lalong gawing eksklusibo ang edukasyon at mga pamantasan.

 

Sama-samang paglaban

 

Dapat pigilan ng nagkakaisang lakas ng kabataan at mamamayan ang mga pagtaas ng matrikula at mga bayarin ngayong taon at mga susunod pa. Marapat lamang na tumindig ang malawak na hanay ng mga mag-aaral, guro, adminstrador at mga magulang para ipaglaban ang karapatan ng mamamayan sa edukasyon at laban sa pagtaas ng matrikula at komersyalisasyon.

 

Hindi na maaari pang palampasin ang pagtataksil ng CHED at ng gubyernong Aquino sa mamamayan sa usapin ng matrikula. Dapat labanan ang mga hakbangin ng gubyerno na magpapatindi pa ng pagkakait sa karapatan sa edukasyon. Dapat ipaglaban ang sistemang pang-edukasyong na tunay na para sa mamamayan – makabayan, siyentipiko at pangmasa.

 

Walang pinakamainam na sandata kundi ang mga sama-samang pagkilos. Dapat ilunsad muli ang mga malalaki at makasaysayang walk-out sa mga pamantasan, mga martsa, pangangalampag, strikes at boycott para labanan ang pagtaas ng matrikula at komersyalisasyon ng edukasyon. Mula sa mga konsultasyon sa mga pamantasan, hanggang sa CHED at sa mga lansangan sa buong bayan, padagundungin natin ang ating pagkakaisa at paglaban.

0saves
If you enjoyed this post, please consider leaving a comment or subscribing to the RSS feed to have future articles delivered to your feed reader.