Browse By

Bakit dapat labanan ang academic calendar shift?

Ang academic calendar shift, kasama ng programang K-12, ay bahagi ng pangkalahatang atakeng neoliberal sa edukasyong Pilipino. Higit na papasahulin ng planong calendar shift ang edukasyong komersyalisado, kolonyal at elitista sa bansa.

Bahagi ang shift ng mga imposisyon ng US sa planong “integrasyon” ng ASEAN na naglalayong higit na patindihin ang mga patakaran ng liberalisasyon, pagragasa ng dayuhang kapital at pagsasamanatala sa murang lakas paggawa sa rehiyon.

Sa kabila ng mga napatunayan nang mga praktikal na kapalpakan ng paglilipat sa Agosto / Setyembre ng pasukan noong 60’s at malawak na pagtutol ng mga mag-aaral, magulang at guro sa kampus, niratsada pa rin ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) at iba pang mga mayor na mga paaralan sa bansa ang plano.

Nagpapanggap ang Commission on Higher Education (CHED) na ayaw nito ang calendar shift pero wala naman itong ginagawa para pigilan ito. Sinuportahan ng Malakanyang ang calendar shift at sinabing may laya ang mga pamantasan na gawin ito. Matatandaang ang opisyal ng LP na si Frank Drilon ang unang bumuhay sa panukala.

Higit na ipagkakait ng shift ang edukasyong kolehiyo sa kalakhan ng kabataang Pilipino. Higit na hihirap para sa mga kabataang magsasaka ang makapaghangad pa na makapasok sa kolehiyo dahil itataon ang pasukan sa panahong kailangan silang tumulong sa sakahan. Ang enrollment naman, sa panahon na “taghirap” ang mga pamilya ng magsasaka. Ngayon pa lamang, marami na ang lubog sa utang at hindi na nakakapasok sa pamantasan sa taas ng matrikula at kahirapan.

Paglulubos ang shift ng plano ng gubyernong Aquino na ipagkait na ang kolehiyo sa kabataan sa ilalim ng programang K-12. Sa pagdesynchronize at paglalagay ng matagal na pagitan sa batayan at sekondaryang edukasyon sa kolehiyo, mas marami ang pipiliting maghanap na lamang ng trabaho kaysa pumasok pa sa kolehiyo.

Kasabay nito, lalong itutulak ang komersyalisasyon sa mga pamantasan at patuloy na pagkaltas ng gubyerno sa badyet ng edukasyon. Itinutulak ang mga pamantasan na humanap ng pondo sa pamamagitan ng pag-akit sa mas maraming mga dayuhang estudyante, pag-aalok ng mga programang popondohan ng mga dayuhan at pagpapapasok ng dayuhang kapital sa edukasyon.

Ang “internasyunalisasyon” at “integrasyon” ay nangangahulugan ng todo-todong pagkakaloob ng mga pamantasan at ng buong edukasyong tersaryo sa dayuhang interes. Sang ayon ito sa layunin ng imperyalismong US na palobohin ang reserbang murang lakas paggawa sa bansa at sa Asya na malaya nitong pagsamantalahan. Ipinapataw nito ang pag-ayon ng mga programa ng pamantasan sa rehiyon sa iisang “standard” na tutugon sa pangangailangan nito at magtutulak pababa ang sahod sa rehiyon.

Lalong isasadlak ng mga “reporma” sa edukasyon na ito ang kabataan at mamamayan sa malawakang kawalang trabaho, mababang sahod at matinding kahirapan.

Sa pagsang-ayon sa mga programang makadayuhan, lalo ring susupilin at aalisin ang mga makabayan at makamamamayang mga aralin, programa para paboran ang mga kursong ayon sa dikta ng merkado, popular at mapagkakakitaan.

Dapat puspusang labanan at biguin ng kabataan, mga guro at mamamayan ang academic calendar shift at labanan ang mga neoliberal na atake ng rehimeng Aquino sa edukasyon. Dapat magpunyaging labanan at ibagsak ang komersyalisado, kolonyal, pyudal at pasistang edukasyon at tumindig para sa edukasyong makabayan, siyentipiko at pangmasa.

0saves
If you enjoyed this post, please consider leaving a comment or subscribing to the RSS feed to have future articles delivered to your feed reader.