Browse By

Awtomatik ‘yan

Kung may matututunan sa nangyaring gusot sa COMELEC nitong nakaraang linggo, ito ay ang katotohanang hindi talaga pwedeng maging kampante lang ang bayan sa ibinabanderang automated na halalan. Tila nagbigay ang awayan ng SmartMatic at TIM ng sneak preview sa mga eksenang posibleng bumulaga sa bayan sa eleksyon sa o bago nito May 2010.

Mahalagang isipin na lumabas ang balitang ito sa gitna ng mga plano para sa pagpapalawig ng termino ng kasalukuyang administrasyon sa pamamagitan ng con-ass, bali-balita ng pagtakbo ni Arroyo sa Kongreso, mga bomb threats bilang ng mga kaguluhang pwedeng magtulak sa martial law. Para bagang on cue ang insidenteng ito na dadagdag pa sa mga baraha ng rehimen para sa pananatili nito sa pwesto.

Bagamat mainam na nailantad agad, at malamang hindi na sorpresa sa mamamayan, hindi magandang balita para sa bayan na konektado ang mga kumpanyang magsasagawa ng eleksyon kay First Gentleman Mike Arroyo. Sa desperasyong makapanatili sa kapangyarihan, hindi imposibleng ngayon na pa lamang, inaayos na ng Malakanyang ang sistema nito ng pandaraya o di kaya, ng panggugulo sa automatic na halalan.

Lalong kailangan mangamba sa balitang pera-pera ang pinag-aawayan ng mga kumpanya. Ayon sa iba, P500 milyon ang pinagtalunan ng dalawang kumpanya, kasinghalaga lang ng overpricing na nakulimbat ng mga Arroyo sa pagpapagawa ng isang kalsada. Anong pipigil sa kanilang ibenta ang halalan at/o resulta nito sa mga mag-aalok ng bilyong piso?

Hindi imposible na magawa nila ito, lalo na kung ikokonsidera ang mga puna sa mismong sistema ng automation na ipapatupad ng COMELEC. Inilantad ng Center for People’s Governence o CenPeg na sa proseso ng pagboto na pinaplano, magiging lihim sa mamamayan ang pagbibilang ng resulta ng kanilang boto, ibig sabihin, hindi nila mababantayan ito. Maaaring magresulta ang palya sa malawakang electronic na pandaraya o di kaya’y kaguluhang maaaring dumulo sa failure of elections.

Ayon mismo sa mga nasa Comelec Elections Advisory Council, sa teknolohiyang gagamitin, hawak ng SmartMatic at TIM ang “key” na may access sa at maaaring magbago ng resulta ng halalan mula sa mga presinto hanggang sa pambansa. Ginawa na umano ito ng SmartMatic sa eleksyon noon sa ARMM, kung saan “naiwasto” nila ang bilangan ng halalan sa ARMM mula sa Maynila.

At paano magtitiwala sa proseso na ito kung ang mismong pagbili sa teknolohiya ay overpriced at tiwali? Ayon sa ilang pananaliksik, sa pambili pa lamang ng bolpen at mga modem, overpriced na ng lagpas kalahating bilyon ang badyet para sa proyekto.

Dahil sa mga ito, hindi nakakapagduda ang mga balita-balita, na may mga opereytor na nag-aalok na ng boto para sa 2010. Tiyak na business as usual pa rin sila hangga’t ang may hawak ng halalan at teknolohiya para dito ay ang iilan at dayuhang nais makapanatili sa kapangyarihan.

Sa papalapit na halalan at papatinding desperasyon ng kasalukuyang administrasyon, dapat maging higit na mapagmatyag ang mamamayan, mag-organisa at kumilos laban sa maniobra ni Arroyo sa pagkakapit-tuko sa kapangyarihan.

Bagamat totoong maaaring maging hakbang pasulong ang automated na halalan, hindi malabong gamitin pa ito ng rehimen sa kasalukuyan para sa interes na makapaghari, kaya’t makatwiran lamang ipaglaban na kung tutuloy na ang automation, dapat itong maging malinis, maayos, bukas sa mamamayan at hindi masasamantala para sa tiraniya ng mga ganid sa kapangyarihan.

—–

Para sa karagdagang impormasyon:

Panuorin ang video ni Juana Change hinggil sa automated elections.
Basahin ang special report ng PCIJ dito at dito. Makikita dito ang tungkol sa overpricing.
Para sa mas komprehensibong unawa, basahin ang pagsusuri ng CenPeg.

Si Garci ay pro-automation. Basahin dito.

Kolum sa PinoyWeekly.org

0saves
If you enjoyed this post, please consider leaving a comment or subscribing to the RSS feed to have future articles delivered to your feed reader.